Weekends with Archie

Sa Abot ng Iyong Makakaya

January 16, 2007

Nakamamanghang isipin kung paano minsan nagpapakita ang bawat paksa ng buhay sa loob ng isang araw lamang.  Nakakaaliw.  Ngunit madalas, masakit.

Umaga na.  Nais mo pang matulog ngunit sa abot ng iyong makakaya ay pipilitin mong ibuklat ang iyong mga mata dahil alam mong may kailangan pang gawin.   Gumising.

Pagsusulit na.  Nais mo sanang hawakan ang iyong gabay sa pag-aaral ngunit sa abot ng iyong makakaya ay magtitiwala ka sa napag-aralan mo kagabi at magtataya sa nalalaman mo ngayon.  Sumubok.

Magbabayad na.  Nais mo sanang itago at ipunin na lang ang pera ngunit sa abot ng iyong makakaya ay gugugol ka ayon sa iyong mga pangangailangan.  Gumastos.

At marami pang iba. 

Lahat ng ito ay nagagawa sa abot ng iyong makakaya.  Kung magtatagumpay pa, kasunod ay pagdiriwang na.

Ngunit  nakakalungkot.  Dahil sadyang hindi ganito ang lahat.  Maging sa pag-ibig, minsan, naitatanong mo, hanggang saan ang kaya mong gawin?  Hanggang saan ang kaya mong tiisin?  Hanggang saan ang kaya mong abutin?  Ito ako, at ito lamang ako, at ito lamang ang magagawa ko.

Sumasaibayo ako.  Ngunit sa pagkakataong ito, may magagawa pa ba kung ang kailangang gawin ay lampas sa abot ng iyong mararating?

Gabi na nang natapos ang umaga.

Posted by archieriva at 10:15 pm | permalink | Add comment