Weekends with Archie

Salamat Tabing-ilog

January 28, 2007

Ngayon ay 6:30 na ng gabi.  Katatapos ko lang kumain ng sanda- makmak na alimasag na dala-dala ko pauwi ng Maynila mula Bataan.  Kailanman ay hindi ko natutunang kumain ng alimasag dala ng napakatalas nitong sipit at hirap sa pagsungkit at paghahanap ng laman nito.  Ngunit pagkatapos ng dalawang araw ng immersion sa munti at payak na tahanan ni Kuya Utoy, hindi ko inaakalang ang mga alimasag na ito ang siyang makapagdadala ng alaalang iniwan ko sa Tabing-ilog, Bataan.

Ngayon ay 6:35 na ng gabi.  Tinatanong ko sa sarili kung ano kaya ang ginagawa nila ngayon habang ako ngayon ay busog sa kinain na alimasag.  Madilim na at marahil kumakain na rin sina Kuya Utoy at Lilybeth sa hapagkainan nilang naroroon sa sulok ng silid na nagmumukhang malawak dahil ang tanging makikita ay banig at sahig.  Hawak-hawak siguro nila ang dalawa nilang batang anak: si  Sakuragi, ang panganay na 2 taon at si Jimboy, ang sumunod na mag-sisiyam na buwan pa lang.  Siya nga pala si Kuya Utoy ay 21 na taong gulang at si Lilybeth ay 18 pa lamang. Kasing-edad lang na nakararami sa atin.

Ngayon ay 6:50 na ng gabi.  Mag-iisang oras na at marahil matutulog na sila sa pare  hong silid na ang laman ay sahig at banig.  Maaga pa kasi ang punta sa laot kinabukasan upang manglambat at bago magbukangliwayway ay manghuhuli na ng mga alimasag.  Naalala ko noong una kong araw doon, hindi pa nga ako mag-iisang oras sa lugar ay isinama na ako ni Kuya Utoy sa laot upang manghuli raw ng alimasag.  Una kong pagkakataon iyon!  At matagal at matrabaho pala iyon.  Sa ilalim ng init ng araw ay ipagpapasensya mo ang panghuhuli ng alimasag dahil kailangang buhayin ang pamilya.  Lampas dalawang oras ang aming pamamalagi sa laot sa ilalim ng mainit na araw at natuwa kami dahil nakahuli kami ng mahigit sa 8 na kilo!  Marami na raw iyon!  Noong tinanong ko kung magkano ang kita, sagot niya, P400.  Sinabi ko sa sarili ko, menos gasolina at pang-araw-araw nilang pagkain, magkano na lang kaya ang naiiwan kadalasan para sa kanyang pamilya?  Siya nga pala, may sakit ngayon si Jimboy, may gamot pa silang pinanggagastusan.

Ngayon ay alas siyete na. Kamusta na kaya sila?  Sa kabila ng hirap ng buhay ay masaya pa rin sila.  Naalala ko tuloy ang mga masasaya ko ring karanasan.  Naligo kami sa laot, nanghuli kami ng alimasag, nagkaroon kami ng community night, kantahan at sayawan sa komunidad.  Ngunit, sa kabila ng kasiyahan ay may kumakatok na guilt at pangamba mula sa aking kalooban.  Guilty dahil malugod nila akong tinanggap, ginawa akong bisita at naghanda sila ng napakaraming pagkain kahit alam ko ay umutang pa sila.  Sana ay hindi ako naging pabigat.  Pangamba dahil nanatiling isang katanungan ang kanilang magiging buhay kinabukasan.  Sana ay abutan sila ng pagkakataong maiunlad ang kanilang pamumuhay.  Sana ay tulungan din sila ng Diyos tulad ng tulong na ibinibigay sa akin o sa atin ng Diyos araw-araw.

Bukas, balik buhay Ateneo ulit ako.  Mag-aaral.  Makikisalamuha sa mga nakakaangat na tao.  Maghahangad ng mabuti para sa sarili.  Bukas, balik dagat ulit sila.  Mangingisda, magtitinda, gagawa ng lambat, mabubuhay ng payak.  Pareho pa rin ba?  Sana hindi.  Dahil sa loob ng dalawang araw ay natutunan kong kumain ng alimasag.  May pagbabagong nangyari sa akin kahit sa loob lamang ng dalawang araw.  Sana sa aking pagdating at pakikisalamuha sa kanila ay may naidulot din sana akong kabutihan para sa kanila.  Sana…

Sana ay patuloy pa ang pagdating ng mga bagong alimasag na magpapamulat at magpapalalim ng aking pagtingin sa buhay, ang buhay na hindi lamang ako ang bida, ang buhay na kailangang isabuhay dahil mayroong iba.

Hinding-hindi ko makakalimutan ang karanasan kong ito.  Maraming maraming salamat Kuya Utoy at Lilybeth! Salamat.


Posted by archieriva at 6:21 pm | permalink

All comments are moderated. Your comments will not appear here unless approved by the blog owner. Thank you.

Add a comment