Weekends with Archie

Pagtataya

February 1, 2007

Induction.

Hindi nga ba't sa tuwing nababanggit ang salitang ito sa konteksto ng AtSCA, umaapaw sa ating mga isipan ang mga tanong na: "ano ito?" "bakit?" at lalung-lalo na "paano?"  At kung susubukan nating hanapin ang sagot sa mga tanong, may isang uri muna ng katahimikan na bumabalot sa ating sarili na tila nagpapahiwatig ng kalaliman ng kahulugan nito.

Hindi ko alam kung totoo rin sa ibang AtSCAn ang nasabi kong karanasan ngunit madalas sa hindi, ito ang nangyayari sa akin.  Ang pagbabahagi kong ito ay isang pagsusumubok na maipahiwatig ang induction ng AtSCA dahil para sa akin, ang tawag na magtaya ay lumalampas sa kahit anong maaaring sabihin, dahil  ang iyong pinagtatayaan ay Siya mismo.

Sa tatlong taon ko bilang inducted member, masasabi kong puno ito ng magkahalong kasiyahan, kahirapan, pagkagalit, pag-asa at kaluwalhatian.  Sa loob ng AtSCA, marami ang hinihiling at hinihingi sa iyo: maglingkod sa organisasyon sa pamamagitan ng pamumuno at paghubog ng kapwa miyembro.  Dito ko sa AtSCA lubos na naintindihan ang sinasabing pamumunong paglingkod o servant leadership.  Mahirap maging EB sa AtSCA, oras at paninindigan ang iyong puhunan.  Mahirap nga ngunit sapat nang malaman at makitang tumutubo ang iyong mga hinuhubog.  Kada taon, tuwing nakikita ko ang mga lumuluhod sa harapan ng altar upang bigkasin ang kanilang dasal pagtataya, isang di-maipaliwanag na kasiyahan ang talaga kong nararamdaman.  

Minsan, naitatanong natin sa isa't isa, bakit ba tayo nagpainduct? Walang malinaw na sagot.  Ngunit may mapapansin kang kabuoang pahayag sa bawat isa, "…dahil Siya kasi."

Sa tingin ko, kung naghahanap tayo ng tunay na esensya ng induction, makikita natin ito sa galaw ng bawat isa sa atin.  Ang tawag na magtaya ay maisasakatuparan lamang sa pagkilos at pagsasaganap ng mismong nagtataya.  Sa AtSCA natin sinmulan ang pagtatayang ito.  Ang mas malaking hamon ngayon ay kung papaano mo isasabuhay ang buhay inducted sa labas ng organisasyong nagbigay sa atin ng pormasyon upang maglingkod at kumilos para sa Diyos at para sa bayan.

Ang tuon ng bawat pagkilos ng inducted member ay walang iba kundi ang Diyos.  Sa bawat desisyon, sa bawat kilos, kahit na sa punto ng pagkakamali, magtitiwala tayo sa Kanya dahil mayroong Siya na sa tingin ko ay nagtataya rin para sa atin.  May hinanda na Siyang landas; kailangan lamang natin ito tahakin.  Kaya magtataya tayo.

Ang paglalakbay na ito ay kailan man hindi matatapos.  Patuloy tayong nagtatanong dahil patuloy tayong nakakaharap ng panibagong buhay.  At sa pagtatanong na ito ay hinahanap natin ang bagong mukha ng induction ngunit sabay iyon na iyon pa rin dahil mayroon tayong binabalikang alaala.  Ang alaalang marahil ay makahuhuli ng buong kahulugan ng ating pagtataya at makapagbibigay ng payak ngunit sadyang malalim na kasagutan.  Sa bawat tanong ng buhay sa liwanag ng induction, maaalala natin ang pagkakataon noong lumuhod tayo sa harapan Niya at sinabi nating, "Oo, Panginoon ko".

Posted by archieriva at 10:43 am | permalink | Add comment